LUNGSOD IRIGA—Ikinabahala ng Department of Education (DepEd) ang mababang iskor na nakuha ng mga mag-aaral sa Pilipinas sa ginanap na Programme for International Student Assessment (PISA) noong taong 2022.
Bilang solusyon sa problemang ito, nais ng kagawaran na pagbutihin pa ang aspeto ng edukasyon, nutrisyon, at ang pagsasanay sa mga guro sa makabagong teknolohiya.
“We have to acknowledge that the last PISA was taken during pandemic so hirap talaga ‘yung mga estudyante before. We took the PISA two times already, noong 2018, walang malaking difference pero may improvement naman ng konti,” ani Usec. Michael Poa.
Ayon naman kay Usec. Gina Gonong, pinaplano na nila na pataasin ang performance ng Pilipinas sa PISA mula Level 1B hanggang Level 2 sa Marso 2025.
“It takes years para madevelop ang mga estudyante natin. Sometimes the problem is the use of gadgets. Napag-alaman nila na if gadgets is used sa pag-aaral, mag-iincrease ‘yung score, pero kung for leisure, bababa naman,” saad niya pa.
Isa sa mga nakikitang problema kung bakit mababa ang nakukuhang iskor sa PISA ay ang bullying, kung kaya naman pinag-iigihan pa lalo ng DepEd ang paghahanap ng paraan sa problemang ito.
“The President already ask us to improve the quality of learning in terms of training new teachers. Sa bullying naman, minemake sure namin na every week ay updated ang aming social media sa hotline for our students,” giit ni Poa.
Samantala, ginagamit ang PISA upang subukin ang kakayahan at kaalaman ng mga estudyante na kanilang natutunan sa paaralan na magagamit nila sa totoong buhay.



